Sunday, October 18, 2015

Juan: Walang Patutunguhan part 1

Kwento ito tungkol kay Juan na naglalakad, bumubuhat, gumagapang, at tumatakbo sa kalye ng pilipinas, wari ba'y naghahanap ng patutunguhan. Sa bawat hakbang na kaniyang ginagawa, katumbas nito ang walang katapusang pagdurusa sa paghila at pagbuhat ng pasakit ng bayan. Sa bawat kalyeng kaniyang tinutumbas, bagong karanasan ng pagdurusa at lumbay ang kaniyang natututunan. Ito na siguro ang nakatakda kay Juan.

Ala sais ng umaga at iyong mararamdaman ang malamig na simoy ng hangin sa ilalim ng malamlam na langit. Kakaunti palang ang mga sasakayan sa kalye ng pilipinas at maluwag na maluwag pa ang mga kalsada nito. Maya-maya ay maririnig mo ang mga pagbukas ng gate at ang mga kahig ng mga nanay sa walis ting-ting. Di kalaunan ay lalabas ang mga tricycle sa paradahan at makikinig sa umagang balita sa radyo. Mamataan din si Juan na nagbubuhat ng isang sako.
   
Naglalakad si Juan dala-dala ang kaniyang sako na dugyot na dugyot na; buhat-buhat kada hakbang. Walang nakakaalam o gustong umalam kung ano ang laman nito, maliban nalang kung ikaw ay nanakawan at tanging si Juan lang ang iyong nakita. Itong sako na'to ang buhat-buhat ni Juan saan man siya magpunta.
Sanay na sanay na nga itong si Juan sa pagbuhat ng sako niya. Marahil noong bata pa lamang siya, nakakabit na ang sakong ito sa kanyang likod. Walang nakakaalam kung saan niya nakuha ang sako, o kung bakit niya kailangang buhatin ito.

Ang alam lang ng lahat ay ito'y mabigat, at marahil mas mabigat pa sa patpating katawan ni Juan. Mas mabigat pa nga siguro ito sa pinagsama-samang sako ng bigas sa palengke o sa barbel ni Captain Barbel. Nakamamatay pa ito kaysa sa kanser. Sa lalong pagbuhat nito, unti-unti nitong lalamunin ang lakas at prinsipyo sa buhay ng sinuman na bubuhat nito; sisira ng kaluluwa at susunog ng matataas na pangarap. Iyan ang sumpa ni Juan.

Hindi kagaya ng iba, si Juan ay walang tapat na kailangang walisin o radyo na pakikinggan. Ang tanging pagmamayari lang niya, ay ang sako na kaniyang matagal nang buhat-buhat. Dahil dito, madalas na pagala-gala si Juan sa pasikut-sikot ng kalye ng pilipinas. Kahapon ay nasa Taguig sya, bukas ay nasa Quezon na. Pilit niyang hinahanap ang tuwid na daan, ngunit kahit anong kalye ang kaniyang tumbasin, wala pa ring pinatutunguhan si Juan.      

No comments:

Post a Comment