Pulpol!
Kahapon lang ay nalaman kong in demand na talaga ang media sa school. Last year di naman ganito. Kadalasan, makikita mo ang STRIPES na nagkukulong sa kweba nila. Hindi ko talaga alam kung ano yung nagagawa nila. Marahil ay di lang ako Updated o walang naguupdate. Pero di ako nagsayang ng oras na magtype para alipustahin ang kataastaasang STRIPES. Nandito ako upang kwentuhan kayo tungkol sa mga nangyayare at bakit napakaimportante nito saakin.
Hindi ko alam kung nagkataon lang pero bakit kung kailan naging seryoso ako sa film, bigla bigla nalang nagsulputan ang mga activities at projects na alam kong makakatulong saakin.
Unang una na diyan ang Film Festival. Ito and unang festival na nasalihan ko. Hindi talaga ako nakasali dahil hindi ako nakicompete. Ginawang exhibition film yung saakin. Kahit na wala akong awards na nakuha, isa pa rin itong napakalaking pagbabago ng aking buhay. Sabi nila, kapag ikaw daw ay binigyan ng manunod, sila daw ay naniniwala sa ikukwento mo. Nasasaiyo nalang iyon kung gagawin mong karapatdapat ang kanilang mapapanood. Binigyan ako ng Film Festival ng manunuod, dapat ko itong pahalagahan. Sa ngayon kasi, pahirapan makakuha ng manunuod kapag ikaw ay nagsisimula palang. Sa pamamagitan ng Festival, nagkaroon ako ng pagkakataong ipakita ang aking gawa.
Lubos akong natuwa sa mga reaksyon ng tao. Sa katunayan, habang pinapalabas ang aking pelikula, hindi ako tumitingin dito. Sa mga manunuod ako nakatingin. Makita ang mukha nilang natatakot ay isang malaking bagay na para saakin. Ito and award ko. Alam kong nabigyan ko sila ng karapatdapat na materyal.
Hindi ko rin inaasahan ang mga sunod-sunod na projects. Akala ko pagkatapos ng Film Festival, balik normal na akong estudyante; 'yong mga panahon na puro assignments at exams yung lagi kong iniisip. Nagbago na pala ang lahat. Hindi na pala ako estudyante lamang. Filmmaker na pala ako.
Nagsulputan ang mga projects. Gagawa daw kami ng video sa National Anthem, Documentary for teachers, at mga samu't saring event na kailangang icover. Para sa iba, marahil ito ay isang malaking responsibilidad na kailangang punan at problemahin, pero para saakin, ito'y panibagong pagkakataon. Pagkakataong makapagsalita, at hinding-hindi ko ito sasayangin.
Kakaiba ang pakiramdam pagnabibigyan ka ng pagkakataong magsalita. Oo, nararamdaman mo ang sense of responsibility, pero higit pa doon, gustong gusto mong magpasalamat sa kanila dahil sa dami ng tao sa mundo, bakit ikaw pa. Ito ang isa sa mga inspirasyon kong matuto. Ayaw kong masayang ang tiwala nila kaya hinihikayat ko ang sarili kong galingan at matuto pa ng linggwaheng pelikula.
Dahil doon, ako'y nagpapasalamat sa mga taong nagbigay sa akin ng pagkakataong makapagsalita. Salamat din sa mga taong nakikinig sa aking kinukwento.
Pero pulpol pa rin kayo.
No comments:
Post a Comment